NBI pinagpapaliwanag sa nawawalang dokumento vs Strunk

Pinagpapaliwanag ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa umano’y pagkawala ng dokumento na magsusulong sa extradition case laban kay Rod Lauren Strunk, pangunahing suspect sa Nida Blanca murder case.

Ayon kay Justice Undersecretary Merceditas Gutierrez, nais nilang malaman sa NBI kung may katotohanan ang napabalitang nawawala ang nilagdaang undertaking ni Strunk na nangangakong babalik ito ng bansa makaraang magtungo sa United States.

Ngunit tiniyak naman ni Gutierrez na kung may katotohanan man ang nasabing balita ay hindi naman ito makakahadlang sa pagpapabalik kay Strunk sa bansa upang harapin nito ang kanyang kaso.

Aniya, bukod sa nabanggit na nawawalang dokumento ay may hawak pa rin naman ang prosecution ng kopya nito na mula sa isang abogado na nangangako pa rin babalik sa bansa.

Ang nasabing nawawalang dokumento ay mahalaga pa rin para patunayan sa korte na flight risk si Strunk para hindi ito payagang makapagpiyansa at maisulong ang extradition process laban dito.

Una nang naibasura ng korte sa Estados Unidos ang petition for bail ni Strunk dahil sa kawalan na rin ng merito nito. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments