Sa desisyon ni Judge Abednego Adre, idineklarang null and void ang kasal nina Melendez at Yllana matapos lamang ang mahigit sa isang taong paglilitis sa petition for declaration of nullity of marriage na isinampa ng aktres noong Marso ng nakaraang taon.
Ibinigay naman ni Judge Adre ng Branch 88 ang custody ng limang-taong gulang nilang anak kay Aiko.
Subalit binigyan naman ng karapatan si Yllana na bisitahin ang kanyang anak tuwing Sabado o Linggo lamang tuwing sa resonableng oras.
Nabatid pa sa naturang desisyon na napatunayang "psychologically incapacitated" si Yllana upang tuparin ang kanyang marital obligations kay Aiko.
Sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Roberto Diokno Jr., isinampa ni Aiko ang naturang petisyon dahil umanoy patuloy na pakikipagrelasyon ni Yllana sa ibang babae sa kabila ng kanilang pagsasama.
Nagsimula ang relasyon nina Melendez, konsehala ng 2nd District, QC, at Yllana noong 1995 habang gumagawa ng pelikula sa Palawan.
Matapos ang isang taong relasyon, nagsama sina Aiko at Yllana.
Ipinanganak ni Aiko ang kanilang anak noong Set. 7, 1998 bago sila nagpakasal noong Disyembre 15, 1998 sa isang civil ceremony sa tanggapan ni Bulacan Municipal Mayor Eduardo Alarilla.
Dagdag pa ni Aiko sa kanyang petisyon na naging mahirap at hindi umano naging masaya ang kanyang buhay may-asawa.
Nakumpirma rin umano ni Aiko ang pakikipagrelasyon ni Yllana sa isa ring aktres. (Ulat ni Doris Franche)