Batay sa dalawang pahinang kautusan na ipinalabas ng Ombudsman sa pamamagitan ni Director Jose T. de Jesus, inatasan nito si Tiangco na maghain ng counter-affidavit upang sagutin ang alegasyon laban sa kanya ni Manuel Padua III, taxi driver, ng #22 Padilla St., San Jose, Navotas.
Sa ilalim ng kautusan, nakasaad na hindi tatanggap ang Ombudsman ng Motion to dismiss o bill of particulars mula sa alkalde upang maibasura ang reklamo dahil kailangan umanong sagutin ni Tiangco ang reklamo laban sa kanya.
Sa sandaling mabigo umano si Tiangco na maghain ng counter-affidavit sa loob ng nasabing palugit ay aalisan na siya ng karapatan na makapagsumite ng kanyang controverting evidence.
Ang kaso ay nag-ugat makaraang ireklamo ni Padua ang alkalde sa salang pamamaril sa kanya.
Naganap umano ang insidente noong Peb. 6, 2003 matapos na magkaroon ng di-pagkakaunawaan sa trapiko sa M. de Vera St. sa Navotas dakong alas-3:30 ng hapon habang nagmamaneho ng taxi ang biktima.
Ayon kay Padua, pinagbigyan naman niya ang Pajero ni Tiangco subalit pagdating sa kanto ng Tres at Naval St. ay pinagbabaril pa siya ng alkalde. (Ulat ni Rose Tamayo)