Kinilala ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane ang mga nadakip na sina Primo Arena; Antonio Tan; William Alcantara at Demetrio Manliclic. Ang apat ay nadakip sa magkakasunod na operasyon na isinagawa sa Metro Manila at Rizal.
Base sa ulat ng pulisya, ang apat ay dawit sa pagkidnap sa shoe magnate na si Danilo Tiu na dinukot sa Antipolo City noong nakalipas na Mayo 23.
Anim na milyong piso ang hinihingi ng mga suspect na inihanda na ng pamilya ng biktima subalit hindi nakaabot sa kamay ng mga kidnapper makaraang makatakas si Tiu bago pa magkabayaran.
Si Arena ay itinuturo ding sangkot sa pagdukot kay Channie Tan Son noong 1999, habang si Tan ay isinasangkot sa pagdukot sa apat na batang Chinese noong 1998.
Sa interogasyon inamin ng mga suspect ang kanilang partisipasyon sa kidnapping nina Mayson at Jenny Ang sa Valenzuela City kamakailan.
Ang apat ay una nang nadakip ng mga tauhan ng PAOCTF subalit nakatakas sa Quezon City Jail noong nakalipas na Pebrero 11 ng taong kasalukuyan at muling nakapagsagawa ng mga pangingidnap. (Ulat ni Joy Cantos)