Ito ang kinumpirma kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Narciso Abaya base sa nakalap na intelligence report kasabay ng pakikiisa sa idineklarang red alert sa buong Metro Manila ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Abaya na may natanggap silang mga report sa namataang presensiya ng mga dayuhang terorista sa pagitan ng Maguindanao at Lanao del Sur at ayon naman sa pinakahuling impormasyon ng PNP ay nandito na sa Metro ang mga galamay ni bin Laden.
Hindi naman makapagbigay ng reaksyon si Abaya kung papaano nakapuslit papasok ng Metro Manila ang mga miyembro ng JI.
Si bin Laden ang itinuturing na mastermind sa madugong pambobomba sa Washington, D.C. at World Trade Center sa New York City noong Setyembre 11, 2001.
Magugunitang nauna nang nagpalabas ng babala ang Estados Unidos hinggil sa posibleng pag-atake ng mga dayuhang terorista sa Southeast Asia partikular na sa Pilipinas, Indonesia at Malaysia gayundin sa Kenya, Africa ng grupo ni bin Laden upang gimbalin ang mundo.
Tiniyak naman ng militar na tulad ng pulisya ay nakahanda sila sa anumang posibleng pag-atake ng sinumang grupo nais na guluhin ang katahimikan ng bansa. (Ulat ni Joy Cantos)