Namatay habang ginagamot sa Martinez Memorial Hospital sanhi ng malaking hiwa sa leeg ang biktimang si Rondel Barba, ng Sawata 2, Block 7, Maypajo ng nabanggit na lungsod.
Sugatan naman ang mag-asawang sina Rodito Barba, 45 at Linda, 40, mga magulang ng bata; Ernesto Ducan, 33, at Ramil Girfel, 24.
Arestado naman at kasalukuyang nakakulong ang suspect na si Albert Quano,35, tiyo ng biktima at pansamantalang nanunuluyan sa bahay ng mag-asawang Barba.
Base sa ulat ni SPO2 Antonio Peñaranda, may hawak ng kaso na dakong alas-3:30 ng hapon ng maganap ang insidente sa loob mismo ng bahay ng pamilya Barba.
Nabatid na apat na araw ng nanunuluyan ang suspect sa pamilya makaraang lumuwas ito buhat sa probinsiya. Nabatid na nakitaan na ito ng kakaibang kilos dahil na rin sa tatlong buwan na umanong hindi nakikita ng suspect ang misis na nakatira sa Bagong Silang ng nabanggit na lungsod.
Bago naganap ang pag-aamok ng suspect ay nagpapasama ito sa kanyang mga pinsan para dalawin ang kanyang misis.
Nang hindi siya samahan ay bigla na lamang itong nagwala at hinaltak agad ang batang biktima na noon ay karga ni Linda at saka tinutukan ng kutsilyo sa leeg.
Dahil dito, tinangka ng mag-asawa na kunin ang bata subalit agad itong ginilitan ng leeg ng suspect. Bukod dito, inundayan din niya ng mga saksak ang mag-asawa.
Nang makalabas ng bahay si Quano ay inundayan din nito ng saksak ang lahat ng kanyang masalubong.
Agad namang nagtulung-tulong ang mga residente at barangay tanod sa lugar at nadis-armahan at nadakip ang suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)