Kinilala ni P/Supt. Dionisio Borromeo, hepe ng Caloocan City Station Investigation and Intelligence Division (SIID), ang suspect na si Angelito Domingo, alyas Ingo, 36, at kasalukuyang naninirahan sa Phase 5-A, Package 2, Blk. 15, Lot 11, Bagong Silang ng naturang lungsod.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, bandang alas-2 ng madaling-araw nang pasukin nina Domingo at lima pa nitong kasamahan kung saan ay armado ng de-kalibreng mga baril ang dalawa sa mga ito, ang tahanan ng biktimang nakilalang si Florante Susi, 45, may-asawa, ng #493 2nd Avenue, East Grace Park, Caloocan City.
Nabatid na kasalukuyang mahimbing na natutulog ang biktima at ang anak nitong si Jooroyce nang sapilitang distrungkahin ng mga suspect ang pintuan ng bahay ng mga Susi sabay pasok sa loob ng bahay at nagpakilalang mga miyembro ng PDEA.
Hindi na nagawang manlaban pa ng mga biktima dahil kaagad silang tinutukan ng baril ng dalawa sa mga suspect samantalang abala naman ang iba sa pagliligpit ng mga mahahalagang gamit sa bahay.
Nang makita ng mga suspect na may ATM card sa pitaka ng biktima ay sapilitan nilang isinama ito sa New Manila, Quezon City kung saan siya ay puwersahang pinag-withdraw ng mga ito ng P20,000 sa ATM account.
Hindi pa nakuntento, inutusan pa ng mga suspect ang biktimang sabihin sa kanyang anak na si Jooroyce na magdala ng P12,000 at ideliber sa harap ng Ceezars Disco sa may Caimito St., Caloocan City.
Pinakawalan lamang ang biktima matapos na masaid ng mga ito ang kanyang pera.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang Caloocan City police kung saan agad na nadakip si Domingo sa kahabaan ng Capas St., 10th Avenue, Caloocan City bandang alas-9 ng gabi ng araw ding iyon samantalang ang lima nitong kasamahan ay nagawang makatakas mula sa tumutugis na pulis. (Ulat ni Rose Tamayo)