Kinumpirma ni Health Secretary Manuel Dayrit na mayroong kabuuang 12 katao kasama nga ang isang doktora at nurse na lalake ang inoobserbahan dahil sa sintomas ng nabanggit na sakit.
Ayon kay Dayrit, isasailalim ang mga ito sa 10 araw na incubation at 14 na araw na quarantine makaraang i-admit ang mga ito kamakalawa ng gabi.
Binanggit pa ng health secretary na mayroong lagnat ang doktora at may nararamdaman na sakit sa lalamunan. Ang mga ito umano ay siyang sumubaybay sa kondisyon ni Mauricio Catalon na nasawi dahil sa naturang sakit.
Sa kabilang dako, lifted na rin ang pagsailalim sa quarantine sa apat na kabahayan sa Brgy. Vacante sa Alcala, Pangasinan na dito naninirahan ang may 24 katao na sinasabing nagkaroon ng close contact sa nasawi namang si Adela Catalon, anak ni Mauricio.
Dahil dito, ay bibisitahin ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang naturang barangay ng mag-amang Catalon para ipakita rin sa sambayanan na hindi dapat na ikataranta ang SARS.
Ayon sa Pangulo na ang pagkataranta sa ambang panganib ng SARS ay magdudulot lamang ng panghihina ng ekonomiya ng bansa.
Samantala, tiniyak din ng Pangulo na bibigyan ng pamahalaan ng ganap na proteksiyon ang mga doktor at nurse na nag-aalaga sa mga pasyenteng may SARS, maging sila ay nasa labas at loob ng bansa.
Sa okasyon ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa World Trade Center, sinabi ng Pangulo na hindi ipagwawalambahala ng gobyerno ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawang pangkalusugan na siyang nangunguna sa kampanya laban sa SARS.
"Gagamitin natin ang pondo ng gobyerno sa basic at epektibong mga hakbang na susugpo sa SARS," anang Pangulo.
Sa ginanap na ASEAN SARS Summit sa Bangkok, Thailand noong Martes, hiniling niya sa mga lider ng rehiyon na bigyang-proteksyon ang kapakanan at kalusugan ng mga Pilipinong doktor at nurse na nagtatrabaho sa kanilang bansa at ito naman ay sinuportahan ng mga lider ng ASEAN. (Ulat nina Jhay Mejias at Lilia Tolentino)