Ayon kay DepEd Secretary Edilberto de Jesus, na walang basehan para suspendihin pa ng isang buwan ang klase sa Mandaluyong City at iba pang panig ng bansa dahil sa masusi naman silang nakikipagkoordina sa Department of Health at sa kasalukuyan ay wala pa namang inirerekomenda ang mga ito tungkol sa itinakdang pagbubukas ng klase.
Nabatid na personal na lumiham si Mayor Abalos sa DepEd upang hilingin na sa halip na Hunyo 9 buksan ang klase ay gawin na lamang itong Hulyo.
Iginiit ni Abalos na itoy upang maisailalim muna sa quarantine ang mga kabataang estudyante sa mga paaralan sa elementarya at high school partikular na ang mga nagsipagbakasyon sa kanilang mga lalawigan upang masigurong hindi na apektado ng SARS ang mga ito.
Ganito rin ang panukala ng iba pang sektor na palawigin pa ang bakasyon ng mga bata dahil sa killer pneumonia.
Kasabay nito, binigyang diin ni de Jesus na magpapatuloy ang itinakdang pagbubukas ng klase sa Hunyo 9, hanggang walang inirerekomenda ang DOH ukol dito.(Ulat ni Joy Cantos)