Kaalinsabay nito hiniling ni Pateros Mayor Rosendo Capco sa Department of Health na magpadala ng isang team upang magsagawa ng imbestigasyon sa mga tindahan na nagbebenta ng mga surplus o lumang damit.
Binigyan diin ni Capco na mahalaga na masuri ang mga nasabing damit partikular na iyong mga Ukay-ukay dahil karamihan sa mga ito ay galing sa Hong Kong na isa sa may pinakamataas na naitala ng kasong SARS.
Bukod dito, sinabi ni Capco na napapanahon na masuri na rin ang mga naturang mga damit dahil maaaring pagmulan din ito ng ibat-ibang uri ng sakit.
Dahil dito, binigyan ni Capco ang mga may-ari ng mga tindahan ng Ukay-ukay ng 48 oras upang magsumite sa Mayor-Business Permit & Licensing Office ng mga clearance mula sa DOH at sa Bureau of Customs upang matukoy kung saan galing ang mga damit na ibinebenta ng mga ito. Sakaling mabigo ang mga ito ay babawiin ang kanilang permit at tuluyang ipapasara ang kanilang mga establisimento. (Ulat ni Lordeth Bonilla)