Iniharap ni CPD Station 10 commander Supt. Jigs Coronel kay Mangila sa Camp Crame ang nadakip na suspect na si SPO1 Roel Renomeron, nakatalaga sa TMG-Land Transportation Office. Kasama nitong nadakip ang isang LTO employee na si Elsie Cervantes base na rin sa sumbong na iniharap ng biktimang si Arjay Villaroman na hinuli ni Renomeron sa Balintawak, Quezon City kamakailan.
Nabatid na nagsumbong sa tanggapan ng CPD si Villaroman bunsod ng panghihingi ni Renomeron ng pera para tubusin ang kinumpiskang plaka ng kanyang sasakyan na CTE-765. Dito naglunsad ng entrapment operation ang mga awtoridad dakong alas-11 ng umaga kahapon sa LTO office sa East Avenue, Quezon City at nahuli ang dalawa sa aktong inaabot ang P1,500 marked money.
Sa press conference, ipinatawag ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane si Mangila at inatasang sibakin sa serbisyo si Renomeron. Agad namang kinompronta ni Mangila ang tauhan nito kung saan nang tanungin kung saang unit nakatalaga ay sumagot ito nang pabalang sanhi upang bigyan ito ng isang suntok sa dibdib.
"Kapag kinakausap kita, lumayo ka ha! Bastos ka. Kaninong bata ka ba LTO?" galit na tanong ni Mangila. Sinagot naman ito ni Renomeron na tauhan umano siya ng isang nagngangalang Avila sa tanggapan ni LTO chief Roberto Lastimoso.
Inihahanda na ang kasong robbery-extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt practices laban kina Renomeron at Cervantes. (Ulat ni Danilo Garcia)