Sa 12-pahinang petisyon ng Police ROTC Graduates for Integrity Morality and Order (PRIMO), hiniling nina Managuelod na agad na magpalabas ang korte ng temporary restraining order (TRO) upang mapigilan ang serbisyo ni Berroya na binigyan ng 1-taong ekstensyon.
Iginiit din nila na tuluyang ibasura ng korte ang naturang ekstensyon matapos na umabot sa mandatory retiring age na 56 si Berroya nitong lumipas na Marso 11.
Pinangalanan nila bilang mga respondents ng naturang kaso ang Napolcom na pinamumunuan ni Chairman Joey Lina at ang PNP matapos na labagin umano ng mga ito ang batas dahil sa naturang kautusan na ipinalabas noong Marso 3.
Sinabi ng PRIMO na agad silang nagsumite ng resolusyon sa Napolcom na i-recall ang naturang extension order at kanselasyon ng lahat ng pribilehiyo nito kasama na ang mga benepisyo na nawala rito nang suspendihin siya sa serbisyo noong panahon ni dating Pangulong Estrada. (Ulat ni Danilo Garcia)