Kasabay nito, tuluyang sinibak sa posisyon ang isang Precinct Commander sa nabanggit na himpilan ng pulisya makaraang hindi agad harapin ang Pangulo sa pagdalaw nito sa nasasakupang presinto.
Nasa balag ng alanganin ngayon si Senior Supt. Oscar Catalan, Pasay City police chief na hindi nadatnan ng Pangulo sa biglaan nitong pagbisita sa naturang himpilan.
Nabatid na pasado alas-7 ng gabi nang dumating ang Pangulo sa naturang himpilan at unang pinuntahan ang Police Community Precinct 4 sa pag-aakalang ito ang tanggapan ng Pasay City Police Headquarters.
Inakala ni Pangulong Arroyo na natutulog ang commander ng PCP 4 na si Chief Inspector Simon Gonzales kaya hindi kaagad ito lumabas. Itinanggi naman ito ng opisyal na nagsabing nakasibilyan siya at nahihiyang lumabas kaya nagbihis muna siya.
Ngunit nainip si Pangulong Arroyo sa paghihintay, kaya isa sa kagawad ng Presidential Security Group (PSG) ang sumipa sa pintuan ng PCP 4 at saka sinermunan si Gonzales.
Kasunod nito, tinungo ng Pangulo ang Pasay City headquarters na sinasabing inabisuhan na ng PCP 4 commander kung kayat ang ilang pulis ay hindi na nabigla sa pagsulpot ng Pangulo.
Bigo din ang Pangulo dahil sa hindi niya nadatnan doon si Catalan na ayon sa kanyang mga tauhan ay kasama ni Chief Supt. Jose Gutierrez, ng SPD.
Subalit nagkabukuhan nang dumating sa presinto si Gutierrez na nagsabing hindi nito kasama si Catalan. Pilit na tinawagan sa cellphone si Catalan subalit hindi ito sumasagot.
Samantalang si Gonzales ay sinibak naman bilang commander ng PCP 4.