Sinabi ni Sen. Pimentel na mula sa 100 pupil sa grade 1 ay 60 lamang dito ang nakakatapos ng grade 6 at mula naman sa 60 na grade 6 ay 45 lamang dito ang nakakatapos ng high school at mula sa 45 na ito ay 15 lamang ang nakakatapos ng kolehiyo.
Ayon pa kay Pimentel, kalimitang dahilan ng school drop-outs ay dahil sa kakapusang pinansyal ng magulang o kahinaan na maunawaan ang pinag-aaralan.
Winika pa ng mambabatas na hindi dapat maging hadlang ang kahirapan upang makatapos sa pag-aaral.
Aniya, puwedeng maging working student upang matugunan ang pangangailangang pinansyal sakaling walang kakayahan ang magulang para tustusan ang pag-aaral.
Idinagdag pa ni Pimentel na ang matatalino pero mahirap na estudyante ay puwedeng makapag-aral sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagkuha ng mga scholarships at kung hindi naman sila makapasa rito ay maaari naman silang maging working student upang makatapos sa pag-aaral. (Ulat ni Rudy Andal)