Ang isinukong suspect ay si Francis Villamor, alyas Bornok, ng Davila St., Tabing Dagat, Navotas na siyang itinuturong responsable sa pagpatay sa kanyang kapitbahay na si Roberto Valles, alyas Jhon-Jhon.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Eleonor Eleazar, may hawak ng kaso, si Bornok ay positibong itinuro ng saksi sa krimen na si Raymond Bernaldo, 9 na kalaro ng nasawi.
Nabatid sa rekord ng pulisya na noong Marso 18, dakong alas-9 ng gabi nang iulat na nawawala ang biktima at kinabukasan ay natagpuan ang bangkay nito na lumulutang sa karagatan sa Navotas.
Sa salaysay ng testigong si Bernaldo, naglalaro sila ng biktima nang magpaalam siya sa huli na iihi lamang.
Habang umiihi siya ay nakita niyang dumating si Bornok na lumapit sa biktima na may hawak na lighter at walang sabi-sabing pinaso nito sa hita si Jhon-Jhon bukod pa sa pinagsusuntok ito ng suspect sa tiyan.
Nasaksihan rin umano ni Bernaldo kung paano tusuk-tusukin ng stick ng suspect sa likuran ng maraming beses ang biktima.
Hindi pa umano ito nakuntento at tinalian pa nito ng lambat ang biktima at saka nilagyan ng itim na tape sa bibig.
Pinaglaruan pa talaga ang batang biktima hanggang sa hampasin pa ni Bornok ng kawayan ang katawan at batok nito. Pinagtutusok din ng stick ang mata ng paslit at nang makitang hindi na halos humihinga at saka nito inilaglag sa dagat.
Matapos ito, agad na tumakas ang suspect habang halos natulala naman si Bernaldo sa nasaksihan kayat pansamantala itong nanahimik sa labis na ring takot. Ngunit makalipas ang isang linggo ay saka lamang nito ipinaalam ang kanyang nasaksihan.(Ulat ni Rose Tamayo)