Pag-iisyu ng 'bogus' TVR pinahihinto ni BF

Binalaan kahapon ni MMDA Chairman Bayani Fernando ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan na itigil na ang pag-iisyu ng tiket sa mga motorista dahil wala silang karapatan na manghuli at mangolekta ng mga multa sa ilalim ng ‘single ticketing system’ sa Metro Manila.

Nakalilito sa mga drivers ang mga Traffic Violation Receipts (TVR’s) na ipinalalabas ngayon ng ilang local government units na ito ang inalmahan ni Fernando dahil aniya tanging ang kanyang ahensiya lamang ang may karapatan na maniket sa mga traffic violators at mangolekta ng fines at penalties.

Batay sa Section 5 ng Republic Act No. 7924, nakapaloob dito ang kapangyarihan na ibinigay sa MMDA kaugnay sa paniniket ng mga itatalagang enforcers, deputized civilians, PNP members na nakatalaga sa Traffic Enforcement Group at ang ahensiya rin ang siyang awtorisado na mangumpiska at mag-revoke ng driver’s license.

Iginiit ni Fernando na ‘bogus’ ang mga TVR na ipinapalabas ng local government units kahit na naipasa pa ito sa kanilang local ordinances. Hindi rin umano irerekognisa ng MMDA ang mga TVR sakaling dumulog ang mga driver sa kanilang ahensiya sa paghanap sa kinumpiska ditong mga lisensiya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments