Hindi nagpatagay, kinatay

Agaw-buhay ang isang 32-anyos na lalaki matapos itong tagain ng pamangkin ng kanyang umano’y pinagdamutan ng tagay, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Inoobserbahan sa East Avenue Medical Center sanhi ng isang taga sa dibdib ang biktimang si Eduardo Duterte, ng Manggahan St., Brgy. Malaria ng nasabing lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspect na si Norberto Tantiado, kapitbahay ng biktima na tumakas matapos ang insidente.

Batay sa imbestigasyon, ang insidente ay naganap dakong 7:40 ng gabi sa mismong tapat ng bahay ng biktima.

Ayon sa saksing si Norma Lopez-Villareal, nakikipag-inuman umano ang kanyang asawang si Rene sa biktima nang dumating ang tiyuhin ng suspect na si Exequiel Morales na lasing na lasing.

Pilit umanong nanghihingi ng tagay si Morales sa biktima ngunit dahil sa kalanguan sa alak ay pinagdamutan ng tagay ni Duterte hanggang umuwi ito sa kanilang bahay at nagsumbong sa pamangking si Tantiado.

Agad namang sinugod ng suspect ang biktima at nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa ilabas ni Tantiado ang dalang jungle bolo at walang pakundangang tinaga si Duterte sa dibdib bago tumakas. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments