Marino pinatay ng karibal sa panliligaw

Binasag ang mukha bago tuluyang pinatay ng magkapatid ang isang seaman na kanilang karibal sa panliligaw sa isang babae sa Navotas, Metro Manila.

Patay na nang idating sa Tondo Medical Center ang biktima na nakilalang si Roel Laurente, 30, ng Block 27, Lot 15-B Phase II, Area 1, Dagat-Dagatan, Navotas sanhi ng pagkabasag ng ulo.

Kasalukuyan namang nakapiit sa detention cell ng Station Investigation Division ng Navotas Police ang magkapatid na suspect na sina Edwin, 27 at Ivan Dumavio, 25, kapwa residente ng B 24, L81, Phase II Area 4 ng nasabi ring bayan.

Sa pagsisiyasat ni PO2 Eric Roxas, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-8 kamakalawa ng gabi ilang metro lamang ang layo sa bahay ng biktima.

Galing umano ang biktima sa pagbisita sa nililigawan nitong babae nang biglang harangin ng magkapatid na suspect.

Pinagsabihan umano ng mga suspect ang biktima na huwag nang muling dadalaw pa sa babae na ikinagalit naman ng una hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo at pagtulungang bugbugin si Laurente.

Nang bumagsak si Laurente, kumuha ng abode si Edwin at ibinagsak sa mukha ng biktima hanggang sa mamatay.

Tinangka ng magkapatid na tumakas subalit mabilis ding naaresto ng mga rumespondeng barangay tanod. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments