Tomboy iniwan ng lover nagpakamatay

Dahilan sa pakikipaghiwalay umano ng kanyang babaeng lover, isang 30-anyos na umano’y tomboy ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti at kasamang nadamay ang 7-buwang sanggol na dinadala nito sa kanyang sinapupunan, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Nakabitin pa sa kisame ng kanyang kuwarto nang matagpuan si Rosemarie Peraque ng Pla-pla Alley, Dagat-dagatan, Caloocan City.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO2 Antonio Penaranda, may hawak ng kaso, na dakong alas-7 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng nasawi.

Bago umano ang ginawa nitong pagpapakamatay, madalas nang mapansin ang pagiging malulungkutin at walang kibo nito.

Malaki ang hinala ng mga awtoridad na labis na dinamdam ng nasawi ang pakikipaghiwalay ng umano’y lover nito base na rin sa natagpuang suicide note na nakuha sa tabi ng bangkay na nakasaad ng ganito: "Auntie nagpakamatay ako dahil kay Liza".

Subalit laking gulat naman ni Senior Inspector Felimon Porciuncula, medical doctor ng SOCO matapos isagawa ang awtopsiya na buntis ng 7- buwan ang nasawi.

Napag-alaman na mayroon nang asawa at anak ang nasawi sa kabila ng umano’y pakikipagrelasyon nito kay Liza.

Patuloy naman ang isinasagawang malalim na imbestigasyon ng pulisya para matiyak na walang naganap na foul play sa kaso.(Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments