Sinabi ni MIAA general manager Edgardo Manda na makikipagpulong siya kay Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando upang kumbinsihin ang mga nakatirang squatters sa bukana ng Multi National Village na lisanin ang lugar bilang karagdagang seguridad sa airport.
Ipinaliwanag pa ni Manda na matapos ang kanilang konsultasyon sa mga security officers sa NAIA, lumabas ang konklusyon na ang mga nakatirik na bahay sa labas ng perimeter wall ay maituturing na high risk sa seguridad ng airport.
Binanggit pa nito na mas mataas pa sa perimeter wall ang ginawang mga tirahan ng mga squatter at kitang-kita ng mga ito ang movement ng mga eroplano.
Magiging easy target umano ang mga eroplano at posibleng sa mga bahay sa perimeter wall makagawa ng mga pagpaplano ang sinumang nagnanais na magsagawa ng terorismo.
Ayon pa kay Manda lalagyan nila ng surveillance camera at sensor ang perimeter fence ng airport para ma-monitor ang mga kahina-hinalang ikinikilos ng mga tao sa labas. (Ulat ni Butch Quejada)