Therapist patay sa 2 holdaper

Isang 27-anyos na physical therapist ang binaril at napatay ng dalawang holdaper matapos itong manlaban at tumangging ibigay ang kanyang cellphone, kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.

Namatay habang ginagamot sa Olivarez Medical Hospital ang biktima na nakilalang si Roman Vadevilla, binata, ng Barangay Moonwalk, Parañaque City.

Mabilis namang tumakas ang dalawang hindi pa nakikilalang suspect matapos isagawa ang panghoholdap tangay ang cellphone ng biktima.

Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-4:40 ng hapon sa loob ng isang pampasaherong jeep na minamaneho ng isang Orlando Mamiloto, 27, sa harapan ng GO Logistic Building na matatagpuan sa kahabaan ng NAIA, Barangay Sto. Nino, Parañaque City.

Nabatid na nagpanggap na mga pasahero ang mga suspect at hinoldap sa loob ang mga pasahero gayunman tumanggi biktima na ibigay ang kanyang cellphone at nanlaban sa mga suspect.

Nagalit ang isa sa mga suspect kaya pinaputukan ito sa katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments