Misis nakunan nang umbagin ng adik na mister

Imbes na bulaklak ang tatanggapin ng buntis na misis sa Araw ng mga Puso buhat sa kanyang mister, suntok at tadyak ang ibinigay sa kanya ng adik niyang asawa na naging sanhi upang makunan ang una.

Sa kulungan din naman nagdiriwang ng Valentine ang suspect na mister na nakilalang si Alberto David, 34, ng Kamias St., Novaliches, Quezon City.

Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-12 ng hatinggabi nang dumating sa kanilang bahay ang suspect na noon ay lango sa ipinagbabawal na gamot.

Hinahanap umano nito ang kanilang component na ipinatago naman ng kanyang misis na si Daisy, 27, sa kanilang landlord sa pangambang ibebenta ito ng kanyang mister dahil sa matinding pangangailangan sa shabu.

Nang hindi makita, nagalit ang suspect at sinimulang bugbugin ang misis na dalawang buwang buntis. Dahil dito, dinugo at nakunan ang biktima na mabilis na dinala sa QC General Hospital.

Napag-alaman pa na walong taon nang kasal ang biktima at suspect at may dalawang anak, samantalang ikatlo sana ang kanyang ipinagbubuntis. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments