Royette Padilla nagwala na naman

Nalagay na naman sa kontrobersiya ang aktor na si Royette Padilla, kapatid ng tinaguriang Bad Boy sa Philippine Cinema na si Robin Padilla makaraang itong magwala at pagbantaan ang ama ng kanyang ka-live-in, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Base sa ulat ng pulisya, nagpalitan umano ng asunto sina Padilla ng Dahlia St., North Fairview, Quezon City at Johnny Solevilla, ama ng kanyang live-in partner na si Yvonne.

Base sa ulat dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang magtungo si Padilla sa bahay ng kanyang ka-live-in nang biglang lumabas ng bahay ang ama nito na si Johnny at sinabing ayaw siyang kausapin ng kanyang anak.

Nagalit umano ang aktor at pinagmumura ang matandang Solevilla at binantaan pa itong babarilin.

Dahil sa pagwawala ng aktor sa harap ng kanilang bahay napilitang magpaputok ng baril ang matandang Solevilla.

Nakatawag pansin ito sa mga tanod at pulis kung kaya dinakip ang aktor.

Sinampahan ng kasong grave threat at alarm scandal ang aktor, habang si Solevilla naman ay kakasuhan ng indiscriminate firing. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments