Trader sabit sa pyramid scam, nagpakamatay

Nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili ang isang negosyanteng sinasabing sangkot sa pyramid scam, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Nakilala ang nasawi na si Joel Castillo, 33, ng Somerset Condominium, Pasay City.

Ayon kay Pasay City police chief, Superintendent Oscar Catalan na inaalam pa ng kanilang mga imbestigador ang katotohanan sa ulat na baon sa malaking pagkakautang si Castillo makaraang masangkot ito sa kontrobersiyal na pyramiding scheme.

"Ayon sa ulat, nagma-manage daw ito ng pyramiding business. Dahil dito, nabaon siya sa utang bukod pa ang responsibilidad niya sa mga taong nahikayat nilang sumali, kaya posibleng ito ang dahilan ng kanyang pagpapakamatay", pahayag pa ni Catalan.

Ayon sa ulat, dakong alas-2:45 ng hapon kamakalawa nang matuklasan ng live-in partner niyang si Ma. Teresa Cartado ang bangkay ni Castillo sa loob ng kanilang kuwarto. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments