'Robinhood' ng QC nilikida

Labing-apat na saksak sa katawan at tama ng baril sa ulo ang tinamo ng isang lalaki na tinaguriang ‘Robinhood’ ng Brgy. Bagong Pag-asa makaraang kuyugin ng limang hindi pa nakikilalang lalaki sa Quezon City.

Namatay noon din ang biktima na nakilalang si Mario "Mayor" Dasmariñas, 40, ng Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City matapos kuyugin ng limang hindi nakikilalang mga suspect.

Batay sa ulat ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi kamakalawa ilang metro lamang ang layo sa bahay ng biktima.

Nabatid na nagpapahangin sa labas ang biktima ng biglang sumulpot ang limang suspect at walang sabi-sabing inatake ng saksak at pinaputukan ng baril sa ulo ang biktima. Sinabi pa sa ulat na ang nasawi ay kilalang kaaway ng mga kilabot na holdaper at snatcher sa kanilang lugar na nambibiktima ng mga inosenteng sibilyan. Tinagurian din itong ‘Robinhood’ sa lugar dahil sa pagiging matulungin sa mga nangangailangan niyang ka-barangay. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments