Misis inireklamo ng pambubugbog ni mister

Ipinakulong ng isang mister ang 23-anyos niyang misis dahil sa ginagawa nitong pambubugbog sa kanya tuwing magkakaroon sila ng pagtatalo.

Pormal na nagharap ng reklamo sa pulisya ang mister na nakilalang si Ryan Magalpo, 24, ng Gerona St., Tondo, Manila na empleyado ng LTO laban sa kanyang misis na si Marilyn na umano’y madalas na manakit at magmaltrato sa kanya.

Sa ibinigay na salaysay ng biktima sa pulisya, sinabi nito na ang huling pambubugbog sa kanya ni Marilyn ay naganap dakong alas-11 ng umaga kung saan pinagbabato pa siya ng plato sa mukha habang siya ay papasok ng kanilang bahay.

Dahil umano sa sobrang gulat ay hindi na nakuha pa ni Ryan na makailag kaya na-target siya ng mga lumilipad na pinggan.

Labis umano ang pagseselos nito at pinagbibintangan siya na may ibang babae. Mariin namang itinanggi ni Marilyn ang sumbong ng mister.

Gayunman, sinabi ni Ryan na sa kabila nito ay mahal pa rin niya ang kanyang asawa at nais lamang niya itong turuan ng leksyon. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments