Fernando handang magbitiw

Anumang oras ay handa nang magbitiw sa puwesto si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Bayani Fernando bilang Chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos kuwestiyunin ng mga kritiko kung bakit pinayagan ito ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na humawak ng dalawang sensitibong posisyon sa gobyerno.

Sa isang pagpupulong kahapon sa tanggapan ng MMDA, ipinahiwatig ni Fernando sa mediamen na kung kinakailangang bitiwan niya ang pagiging Chairman ng naturang ahensiya ay handa niyang gawin ito.

Sa nasabing okasyon ay ipinakilala ni Fernando ang bagong General Manager (GM) ng MMDA na si Robert Nacienceno na minsan na ring naging opisyal ng ahensiya noong panahon ni dating MMDA Chairman Prospero Oreta.

Aminado naman si Fernando na mas makabubuting isang posisyon na lamang ang hahawakan niya upang higit niya itong mapagtuunan ng konsentrasyon at mabigyan niya ng panahon na maipatupad ang mga programa ng DPWH.

Magugunita na bago pa man tanggapin ni Fernando ang pagiging kalihim ng DPWH ay nagpahayag na ito na mas makabubuti na hawakan niyang pareho ang dalawang nabanggit na tanggapan dahilan maganda ang koordinasyon ng dalawang ahensiya lalo na sa pagresolba ng trapik at pagbaha sa tuwing panahon ng tag-ulan.

Kabilang naman sa mga lumulutang ang pangalan upang ipalit kay Fernando bilang chairman ng MMDA ay sina Presidential Spokesperson Ignacio Bunye, Caloocan City Mayor Reynaldo Malonzo at dating Interior and Local Government Secretary Alfredo Lim. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments