Frat rape: 16 anyos pinilahan ng ka-brod

Halinhinang ginahasa ng dalawang lalaki ang isang 16-anyos na dalagita makaraang sumali ito sa fraternity, kamakalawa sa Sta. Mesa, Manila.

Halos tulala ang biktimang itinago sa pangalang Aileen nang magtungo ito sa pulisya dahil sa ang kanyang puri ang naging kapalit sa pagnanais niyang mapabilang sa True Brown Style Fraternity.

Ang biktima ay personal na dumulog sa WPD-Children’s and Women’s Care Division kasama ang kanyang ina upang ipagharap ng reklamo ang mga suspect na nakilalang sina Wilson Fortaleza, 21 at Jun Comila, 22.

Isinama rin sa reklamo si Mary Jane Comila, 18, pamangkin ng suspect na si Jun dahil sa pagpapabaya nito kahit nasaksihan ang ginawang panghahalay sa biktima.

Nabatid sa inisyal na ulat ng pulisya na naganap ang panghahalay dakong alas-5:10 ng hapon sa bahay ng suspect sa 3484 West Viga St., Sta Mesa, Manila.

Sinasabing nag-iinuman umano ang mga suspect nang dumating ang biktima na may kasamang kaibigan. Nagpahayag umano ang biktima ng kanyang pagnanais na sumali sa fraternity dahil sa tumiwalag na siya sa kanyang dating grupo.

Bunga ng kagustuhan na makasali sa grupo nakipag-inuman ang biktima hanggang sa malasing ito. Hindi nagtagal nakakuha ng pagkakataon ang mga suspect at ginahasa ang biktima.

Pagkatapos pa nito, pinaso pa ng sigarilyo sa kamay ang biktima.

Pag-uwi sa kanilang bahay ay napuna ng kanyang ina ang mga paso ng sigarilyo at nang tanungin ang biktima ay umamin itong ginahasa siya ng mga inaakala niyang mabubuting "brothers" sa fraternity. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments