Kasabay naman nito, patuloy din ang pagdating ng mga relief para sa mga naapektuhang pamilya na ngayon ay pansamantalang nananatili sa limang evacuation center na itinalaga ng pamahalaang lungsod.
Magkatuwang sa paghanap para sa kanilang malilipatan sina QC Mayor Feliciano Belmonte Jr. at Housing Secretary Mike Defensor.
Ayon kay Defensor magsasagawa sila ng kaukulang imbentaryo ang Housing Urban Development Coordinating Council sa mga lupang maaaring mapaglipatan sa mga nasunugan.
Sinabi naman ni Mayor Belmonte na totoong mahihirapan silang maghanap ng relocation site dahil sa napakaraming pamilya ang naapektuhan sa sunog.
Samantala, hanggang kahapon ay may nakaantabay ng fire truck sa nasabing lugar sa pangambang baka muli itong magliyab sanhi ng malakas na hangin at matinding init.
Tinatayang aabot din sa P10 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo sa sunog, samantalang si Juanita Albay, 60, lamang ang naitalang nasawi sa insidente.
Tumagal din ng halos dalawang oras ang sunog bago tuluyang naapula ng mga bumbero dahil na rin sa sala-salabit na kawad ng kuryente at dikit-dikit na bahay dito. (Ulat nina Angie dela Cruz at Doris Franche)