Hinagpis ng 4 pang Pinay buhat sa Kuwait

Apat na Overseas Filipino Workers (OFWs) kabilang ang isang buntis na ginahasa ng kanyang amo ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na walang anumang bitbit maliban sa kanilang mapait na karanasan.

Ang mga Pinay workers na pawang tubong Tacurong, Sultan Kudarat, South Cotabato ay nagbunyag na marami pang mga OFWs na karamihan ay mga kababaihan ang kasalukuyang nakakulong sa Kuwait jail at patuloy na dumaranas ng hindi makataong pagtrato.

Ang apat na OFWs na itinago sa pangalang Joy, 25; Jinky, 24; Cynthia, 40 at Judith, 34 ay dumating sa NAIA kamakalawa ng gabi lulan ng Kuwait Airlines flight 411 mula sa Kuwait.

Ayon kay Joy, na anim na buwang buntis na ilang ulit umano siyang pinagsamantalahan ng kanyang amo hanggang sa magbunga na nga ito.

Nang ipagtapat niya sa kanyang among babae ang kanyang naranasan ay inakusahan pa siya nitong nagnakaw ng mga alahas at salapi na naging dahilan upang arestuhin siya ng Kuwaiti police.

Binanggit pa ng mga umuwing OFWs na ipinasya nilang takasan ang kalupitan ng kanilang mga amo makaraang tratuhin silang parang mga hayop na pinagtatrabaho ng mahigit sa 12 oras, walang sapat na pagkain at bukod pa dito ay hindi sila pinapasuweldo.

Nagkita-kita ang apat sa loob ng deportation cell matapos silang mahuli ng Kuwait authoritires.

"Marami pang mga OFWs ang nakapiit sa deportation cell na dumaranas ng matinding hirap. Kaya’t tinatawagan namin ang pamahalaan na tulungan sila bago mahuli ang lahat. Marami ang nabubuntis dahil sa ginagahasa ng mga Kuwaiti police, dapat pag-ukulan ito ng pansin ng gobyerno at hindi palaging binibigyang pansin ang ukol sa absentee voting," pahayag pa ni Joy. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments