Ang mag-asawa na nagsampa ng reklamo sa WPD-General Assignment Section ay sina Arthur, 33, at Emeliza Yumang, 38, ng Magsaysay St., Sta. Mesa, Manila laban sa hindi pa nakikilalang doktora na umano ay nagpayo sa kanilang iuwi na ang kanilang sampung buwang anak dahil wala naman umano itong mabigat na karamdaman.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Cecilio Sacorum, nagsimula umanong mag-tae ang sanggol na si Adrenalyn noong Biyernes ng umaga kayat dinala nila ito sa isang doktor na nagbigay naman ng reseta.
Subalit hindi bumuti ang lagay ng bata kayat ipinasiya ng mag-asawa na isugod sa PGH ang anak kamakalawa ng gabi kung saan isang doktora ang nag-asikaso dito.
Sa halip anyang suriin mabuti ang kalagayan ng sanggol ay sinalat lamang ang bumbunan nito sabay na pinauwi.
Subalit kinabukasan ng umaga nang mapuna ng mag-asawa ang kanilang sanggol na tila nasa panganib kayat isinugod nila ito sa Ospital ng Sampaloc at dito ay binawian na ng buhay.
Sinisi umano ng mga doktor sa nasabing ospital ang magulang ng sanggol dahil huli na ang ginagawang pagsugod ng mga ito sa kanilang anak.
Ipinaliwanag ng magulang sa nasabing pagamutan na una na nilang isinugod ang kanilang anak sa PGH subalit hindi umano nilapatan ng kaukulang lunas. (Ulat ni Grace dela Cruz)