Pumugang Armenian terrorist, muling naaresto

Naarestong muli ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang Armenian terrorist na pumuga sa kanyang kulungan noong nakalipas na buwan, matapos ang isinagawang manhunt operation laban dito.

Ayon kay Immigration Commissioner Andrea Domingo si Khachik Aslanyan, 41, ay agarang ipinatapon palabas ng bansa matapos itong madakip sa kanyang pinagtaguan sa Makati City.

Si Aslanyan ay ipinatapon sa Armenian Capital City ng Yereven sakay ng Aeroflot flight na umalis sa NAIA kahapon ng umaga.

Magugunitang ang Armenian terrorist na sinasabing sangkot sa tangkang pagpapasabog sa Turkish Embassy sa Manila ay itinurn-over ng mga ahente ng NBI sa BI noong Nobyembre 22, 2002 dahil sa kasong pangingikil, grave threats at harassment. Kinabukasan iniulat na nakapuga ang dayuhan sa kanyang piitan sa kustodya ng BI.

Sinabi ni Domingo na si Aslanyan ay ikinulong sa maximum security sa Fort Bonifacio na kung saan ay isinailalim ito sa masusing imbestigasyon at interogasyon bago ipina-deport.

Batay sa talaan, si Aslanyan ay naaresto sa Vancouver, Canada noong Nobyembre 1997 na kung saan nakuhanan ito ng granada habang nakasakay sa isang Korean Airlines flight patungong Manila at Seoul.

Nabatid pa sa ulat, na nahatulan si Aslanyan at nakulong sa kasong importing ng mga pekeng pasaporte at pagdadala ng granada sa loob ng eroplano.

Hinihinala rin na tinangka nitong pasabugin ang Turkish Embassy nang magpunta ito sa bansa.(Ulat nina Jhay Quejada at Butch Quejada)

Show comments