Pulis nabaril ang sarili

Agaw-buhay sa pagamutan ang isang miyembro ng PNP matapos umanong nabaril nito ang kanyang sarili nang magkaroon sila ng pagtatalo ng kanyang misis kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Kasalukuyang inoobserbahan sa Quirino Labor Hospital ang biktimang si PO2 Alex Poquiz, 28, nakatalaga sa Camp Crame at nakatira sa 169-B Maginhawa St.,Sikatuna Village ng nasabing lungsod dahil sa pagluwa ng bituka nito sanhi ng tama ng bala.

Lumilitaw sa imbestigasyon na bago naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi ay nagkaroon muna umano ng pagtatalo ang biktima at ang asawa nitong si Arcelita matapos na salubungin ng pasigaw ang pulis.

Ang sigawan ng mag-asawa ay nasundan ng putok ng baril hanggang sa humingi ng tulong si Arcelita sa mga kapitbahay.

May palagay ang pulisya na posibleng itinutok ng biktima sa kanyang asawa ang baril na naging dahilan para sila ay mag-agawan at aksidenteng nakalabit ang gatilyo na tumama sa sikmura ng pulis.

Aksidente o sinadya ang anggulong tinitingnan ng mga awtoridad sa nasabing insidente at ayaw magbigay ng pahayag si Arcelita. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments