Sa panayam kay Darren Fernandez, head technical staff ni MWSS-RO chief regulator Eduardo Santos, sinabi niyang nasa proseso na ng tuluyang pagtigil ng kanilang serbisyo sa pagbibigay ng tubig sa publiko.
Ayon kay Fernandez, nagsampa na ng notice of termination ang MWSI ngunit nabigo ito.
Bunsod nito, nagsampa naman ang MWSI ng arbitration for termination sa MWSS na siyang hakbang naman para sa tuluyang pagtigil ng serbisyo ng MWSI.
Ani Fernandez, kasalukuyang pinagmimitingan pa ngayon ng board ng MWSS ang mga gagawing hakbang nito para sa pagtugon sa ginawa ng MWSI.
Aniya, may 60 araw pa ang MWSS mula kahapon para aksyunan ang arbitration for termination ng MWSI kung saan sa loob ng panahong ito dapat ay nakahanap na sila ng papalit sa MWSI.
Siniguro naman ni Fernandez na tuloy pa rin ang pagpapadala ng tubig sa mga kostumer ng MWSI hanggat hindi pa ito tuluyang naisasalin sa MWSS o sa gobyerno.
Samantala, wala pang inilabas na reaksyon ang Malacañang sa desisyong ito ng pamilya Lopez.
Sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na kanilang rerebisahin ang nasabing isyu. (Ulat nina Angie dela Cruz at Ely Saludar)