Ayon kay Supt. Billy Beltran, hepe ng Navotas Police na nai-file na nila ang kaso sa Malabon Prosecutors Office laban kay PO2 Edgardo de Guzman.
Sinabi pa ni Beltran, na kahit tawag lang ng tungkulin ang ginawa ni de Guzman at hindi sinasadyang tumama ang bala ng 9mm sa biktima nang tumagos sa katawan ng target nitong suspect ay wala silang magagawa kundi sampahan ito ng kaso.
Sinisi naman ng ilang pulis na kasamahan ni de Guzman ang pamunuan ng PNP dahil sa ginawang pagpapalit sa inisyu sa kanilang service firearm na ngayon ay 9 mm na umanoy hindi angkop sa sensitibong "hostage rescue operation".
"Kapag kasi ang baril mo ay 9mm at full metal jacket pa ang bala talagang tatagos ito sa katawan ng tatamaan at posibleng madamay ang muling aabutan nito," paliwanag naman ni Chief Inspector Michael Angelo Zuniga. Humingi naman nang pang-unawa si Beltran sa magulang ng nasawing biktima na sanay unawain ang naging aksyon ni de Guzman na binaril ang suspect makaraang makitang pinagsasaksak na nito ang batang bihag.
Magugunitang lumabas sa isinagawang awtopsiya na sa bala namatay ang bata at hindi sa may sampung saksak nito sa katawan buhat sa suspect na si Bonifacio.
Ito ay makaraang tumagos ang bala na tumama sa suspect sa karga nitong biktima. (Ulat ni Rose Tamayo)