Pagtaas ng singil ng tubig pinapasuspinde

Hinimok kahapon ng tatlong mambabatas ang Manila Water and Sewerage Services (MWSS) na suspendihin ang muling pagtataas ng singil sa tubig ng Manila Water Company at Maynilad Water Services, Inc. na nakatakda sa Enero 2003.

Ayon kina Reps. Maite Defensor, Del de Guzman at Joel Villanueva, nararapat na linawin muna ng MWSS at dalawang water consessionaires ang mga hindi pa nasasagot na isyu hinggil sa nakaraang pagtataas ng mga ito.

Sinabi ng mga ito na kailangan din umanong ikonsidera muna ang panawagan sa pag-aalis ng concession sa Maynilad dahil sa kabiguan nitong bayaran ang bilyong pisong concessionaire’s fee mula pa ng Oktubre 2001.

Tinatayang P17 per cubic meter ang itataas ng Manila Water mula sa kanilang kasalukuyang singil na P9.38 per cubic meter samantalang P26.70 ang itataas ng Maynilad mula sa singil nitong P19.92 per cubic meter, kaya magiging P26.38 at P46.62 ang singil ng mga ito.

Dahil dito ay aabot sa P510 ang babayaran ng nasasakop ng Manila Water mula sa P281 habang P801 ang sisingilin ng Maynilad sa mga nasasakop nito mula sa dating P598 para sa 30 cubic meter na konsumo.

Ipinaliwanag ni Villanueva na ito umano ay dulot ng pag-amyenda sa orihinal na kontrata ng mga concessionaire nang payagan ang pagsasapribado sa serbisyo ng tubig noong 1997.

Hindi umano pinapayagan ang pagtataas ng singil sa tubig sa orihinal na kontrata subalit binago ito nang payagan ang Amendment No. 1. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments