Ayon kay Immigration Commissioner Andrea Domingo malinaw na may paglabag na ginawa sina Paul Ng, may-ari ng LIA, isang Malaysian at Theng Chiu, alyas Jimmy Tan, isang Australian, chief mechanic ng nasabing airline.
Pinabulaanan din ni Domingo ang mga akusasyon ng mga opisyal ng LIA na nilabag nila ang karapatang pantao ni Ng dahil umano sa hindi kaagad pagsailalim sa inquest at paghaharap ng kaso sa dalawang dayuhan nang dumating sa main office ng BI sa Intramuros noong Sabado.
Ipinaliwanag ni Domingo, base sa kanyang kautusan, hinintay pa ng bureau prosecutor si Ng at Tan upang kaagad itong maisailalim sa preliminary investigation, kayat hindi totoo na sila ay ikinulong ng walang kaukulang kaso.
Iginiit pa ni Domingo na kailangan pa ring kumuha ng working permit si Ng, taliwas sa pahayag ng abogado nito na hindi na dapat dahil na rin sa humahawak ito ng executive at supervisory position.
Ayon pa sa BI chief maaari pa ngang kasuhan si Ng ng paglabag sa Konstitusyon kung saan ay mahigpit na nagbabawal sa isang dayuhan na magsagawa ng operasyon sa anumang public utility firms kabilang ang commercial airlines. (Ulat ni Jhay Quejada)