Magkapatid nag-duwelo sa babae, kapwa todas

Kapwa nasawi ang magkapatid makaraang mag-duwelo dahil lamang sa pagtatalo sa isang babae na kanilang nililigawan, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Manila.

Namatay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang magkapatid na sina Eduardo, 30 at Fernando Lapis, 32, ng 366 Area B, Gate 9 Parola Compound, Tondo, Manila sanhi ng tinamong saksak at tama ng bala ng baril sa katawan.

Base sa imbestigasyon ni SPO4 Afredo Salazar, ng WPD Homicide Division, naganap ang pagdu-duwelo ng dalawa dakong alas-10 ng gabi sa loob mismo ng kanilang bahay.

Napag-alaman na bago maganap ang insidente ay galing umano ang dalawa sa isang videoke bar at nang makauwi ay narinig ng mga kapitbahay ang matinding pagtatalo ng mga ito.

Ilang saglit pa ay narinig nila ang malakas na putok ng baril.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na may mga saksak sa katawan si Fernando, samantalang may tama naman ng bala ng baril si Eduardo.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na babae umano ang pinag-aawayan ng magkapatid. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments