Pulis tinadtad ng bala sa mukha

Isang pulis ang iniulat na pinagbabaril sa mukha hanggang sa mapatay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos umanong magkaroon ng mainitang pagtatalo, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Nakilala ang biktima na si PO2 Jerry Juancho Breyba, 40, nakatalaga sa Police Regional Office-5 at residente ng Jade Compound, Brgy. Talon Uno ng nabanggit na lungsod.

Mabilis namang tumakas ang salarin matapos ang ginawang krimen.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:45 kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lugar. Nakita umano ng mga testigo na kausap ng nasawi ang isang lalaki at nagtatalo ang mga ito sa hindi mabatid na dahilan.

Ilang sandali pa ay bigla na lamang bumunot ng baril ang suspect at ilang ulit na pinaputukan sa ulo ang nabanggit na pulis.

Nang makita ng suspect na duguang bumulagta ang biktima ay mabilis na itong tumakas.

Kasalukuyan pang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para alamin ang motibo ng isinagawang pagpaslang, gayundin ang pagtugis sa suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments