Dakong ala-1:45 ng hapon nang umalis sa NAIA sakay ng armored vehicle ng Lanting Security and Protection Agency ang may 110-anyos na Luna Painting kung saan mga armadong sundalo ng Phil. Marines at guwardiya ang nagsilbing escort nito lulan ng tatlong behikulo.
Ang nasabing makasaysayang painting ay pormal na tinanggap ng mga kinatawan ng GSIS sa pangunguna ni Cultural director Eric Zerrudo mula kina Atty. Adelina Molina, acting Bureau of Customs (BoC ) district collector at Pair Cargo deputy collector Silver Salazar makaraang makapagbayad ng mahigit sa P1,000 processing fees.
Ayon kay Molina ang shipment ay dumating sa bansa nitong nakaraang Nobyembre 1 lulan ng Cathay Pacific mula Hongkong at ang consignee ay si GSIS President Winston Garcia na humiling ng tax exemption.
Ang tatlong pamosong painting ay ilalagak sa GSIS art museum para sa libreng public viewing na pasisimulan ngayong araw na ito. (Ulat ni Butch Quejada)