Commercial model pinagmulta ng BI

Pinagmulta kahapon ng Bureau of Immigration (BI) ng halagang P100,000 ang British commercial model na si Amanda Griffin dahil sa pagtatrabaho sa Pilipinas ng walang kaukulang permit.

Ayon kay BI Commissioner Andrea Domingo, kusang-loob na sumuko sa BI office si Griffin matapos magpalabas ang una ng arrest order laban sa huli.

Binalaan ni Domingo si Griffin na tuluyan makukulong at idedeport kapag nabigo itong magsumite ng work permit upang makapagtrabaho sa bansa. Limang araw lamang ang ibinigay na palugit dito.

Sinabi pa ni Domingo na hangga’t walang permit na nakukuha ang modelo ay hindi ito puwedeng lumabas sa kahit na ano mang show sa telebisyon man o sa pelikula.

Napag-alaman na tanging si Billy Joe Crawford ang hindi pa nagpapakita sa tanggapan ng BI matapos magpalabas ng mission order bureau laban sa mga foreign actors at actresses na nagtatrabaho sa bansa ng walang kaukulang permit.

Si Griffin ang ikaapat na foreign celebrity na pinagmulta ng BI dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa bansa. Nauna ng pinagmulta ng BI sina Vanessa del Bianco, ang magkapatid na sina Troy at KC Montero. (Ulat nina Butch Quejada at Jhay Quejada)

Show comments