Landlord sinaksak ng tenant

Dahil sa paniningil, nakuhang pagsasaksakin ng isang lalaki ang kanyang landlord matapos na ito’y singilin at hindi makabayad ng upa, kahapon sa Tondo, Manila.

Nasa kritikal na kondisyon ngayon sa Tondo Medical Center ang biktimang si Wenceslao Garcia, 51, ng Escoda St., Tondo, Manila sanhi ng tatlong saksak sa likod at braso.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Joel Eribete, tenant ng biktima.

Nabatid sa ulat na naganap ang pananaksak dakong alas-9:20 ng gabi sa kanto ng Malaya at Escoda Sts. sa nasabing lugar.

Nabatid na ilang beses umanong nagpupunta ang biktima sa inuupahang kuwarto ng suspect upang maningil ng upa subalit palaging hindi ito nadadatnan.

Sa hindi inaasahan ay nagkasalubong ang dalawa sa nasabing lugar at doon ay naningil ang biktima.

Minasama ng suspect ang ginawang paniningil kaya agad na nagbunot ito ng patalim at inundayan ng saksak ang biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments