Pulis-Pasay hinostage ng pulis-Maynila

Isang pulis-Pasay ang ginulpi at hinostage ng kapwa niya pulis na nakatalaga sa WPD habang ang una ay nagsisilbi ng warrant of arrest laban sa isang ginang na may kasong estafa, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Nagtamo ng sugat at pasa sa katawan ang biktima na nakilalang si SPO2 Eduardo Cabria, nakatalaga sa Criminal Investigation Division ng Pasay City Police.

Samantala, nahaharap naman sa kasong attempted murder, obstruction of justice at illegal arrest ang suspect na nakilalang si SPO2 Carlos Bacod, nakatalaga sa Mobile Group ng WPD.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa Kalayaan Ville, Pasay City.

Nabatid na magsisilbi ng warrant of arrest si SPO2 Cabria laban sa isang Marilou Young na wanted sa kasong estafa. Imbes na si Young ang lumabas ay si SPO2 Bacod ang siyang humarap at sa halip na isuko si Young ay agad nitong tinutukan at dinisarmahan si Cabria. Hinostage pa nito ang kapwa pulis at saka ginulpi.

Makalipas ang ilang minuto ay saka lamang napayapa ng mga nagrespondeng Pasay police ang suspect.

Nagmatigas pa umano si Bacod at ayon sa WPD Mobile Group ay isusuko na lamang ito ng kanyang hepe sa Pasay City Police. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments