Suspected bomber pinade-deport ng BID

Nagpalabas ng deportation order laban kay Mohammad Amin Al Ghaffari ang Bureau of Immigration and Deportation (BID) bilang bahagi ng security plans ng pamahalaan dahil ang una ang siyang itinuturong responsable sa pambobombang naganap sa Malagutay, Zamboanga City, may dalawang linggo na ang nakakaraan.

Nilagdaan ni BI Commissioner Andrea Domingo na ipinadala kay Simeon Vallada, Immigration head supervisor sa Ninoy Aquino International Airport, nakasaad na ang deportation ni Al Ghaffari, ang Jordanian national na suspected bomber ay kailangan pa rin ng pagsusumite nito ng clearance na manggagaling sa Philippine National Police (PNP), National Intelligence and Coordinating Agency (NICA), Intelligence Services of the Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ni Domingo na kailangan ni Ghaffari ang clearance upang makatiyak ang pamahalaan na ang pag-alis nito ay hindi magdudulot ng panganib sa interest ng bansa.

Ayon kay Domingo, ilalagay sa listahan ng blacklisted alien ang pangalan ni Ghaffari at hindi na ito muling makababalik sa Pilipinas.

Idinagdag pa ni Domingo na walang magawa ang BI kundi paalisin si Ghaffari dahil sa patuloy na pag-ayaw nito na sumailalim sa interrogation kaugnay ng mga reports na sangkot ito sa terrorism. (Ulat ni Jhay Quejada)

Show comments