Base sa 26 na pahinang desisyon ng 3rd Division ng SC, pinawalang-saysay nito ang naging mosyon ni Congressman Eduardo Zialcita at Ceferino Padua na nagpipigil sa pagtataas ng singil ng Citra dahil may karapatan ang Toll Regulatory Board (TRB) na mag-utos ng anumang pagtaas ng toll fee dahil ito ay nakapaloob sa batas na lumikha sa kanila.
Kinampihan din ng Mataas na Hukuman ang naging kautusan ng TRB na nagbibigay ng karapatan sa Citra na makapagtaas ng toll pay sa mga dumadaan sa Metro Manila Sky Way Project.
Magugunita na humiling ang Citra Metro Manila Tollways Corporation (CITRA) noong Pebrero 27, 2001 sa TRB na payagan itong makapagtaas ng singil sa lahat ng mga sasakyan na dumadaan sa Sky Way Project dulot ng pagtaas ng mga materyales na gamit sa kanilang proyekto, gayundin ang pagbaba ng piso kontra dolyar.
Kinatigan naman ng TRB ang nasabing kahilingan matapos itong magpalabas ng resolusyon noong Nobyembre 9, 2001 sa pagsasabing saklaw ng TRB sa ilalim ng kanilang kapangyarihan ang toll fee increases.
Binatikos din ng SC ang maling ulat ng mga petitioners na tanging si TRB Executive Director Jaime Dumlao ang nagdesisyon ng toll fee increase bagkus ay nilinaw nito na dumaan sa TRB board ang desisyon.
Nilinaw din nito na hindi kailangang dumaan sa anumang hearing ang TRB para sa anumang pagtataas base na rin sa mga nakalipas na desisyon ng Mataas na Hukuman. (Ulat ni Gemma Amargo)