Dalagitang holdaper, ikinanta ang mga kasama

Dahil sa labis na sama ng loob makaraang iwan ng kanyang mga kasamahan, ikinanta ng 17-anyos na dalagitang holdaper ang kanyang mga kasama na nangholdap sa isang pampasaherong jeep na nagresulta sa pagkamatay ng isang security guard.

Sama-sama ngayon sa WPD Integrated Jail ang mga suspect na sina Roy Mejia, alyas Bentok; Wendel dela Cruz, 19; Albert Santos, 30, at Alexander Oliveros, 19, pawang mga residente ng 832 Oroquieta St., Sta Cruz, Manila.

Laking gulat ng apat nang dakpin ng mga kagawad ng WPD dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa loob ng kanilang pinagkukutaan sa nabanggit na lugar.

Nabatid na nagdamdam ang dalagitang holdaper na si Cherry Castro, matapos na madakip at iwanan ng kanyang mga kasamahan matapos silang mangholdap sa isang pampasaherong jeep sa harap ng San Sebastian College sa kahabaan ng Recto noong Linggo ng gabi na dito napatay ng una si Faustino Francisco, 34, sikyu makaraang manlaban kay Castro.

Dahil sa iniwan ng kanyang mga kasamahan ikinanta at ipinatimbog na rin ni Castro ang kanyang mga kasamahan. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments