Kasabay nang isinagawang pagsuko isinauli rin naman ni Inspector Delfin Torregoza ang tinangay niyang shabu dakong alas-5 ng umaga mismo sa kanyang hepe na si Senior Supt. Restituto Mosqueda, director ng Crime Laboratory.
Ngunit nang timbangin ang naturang shabu, nabatid na kulang na ito ng 174 gramo sa orihinal nitong timbang. Agad na isinailalim sa urine at blood examination si Torregoza kung saan nadiskubre ito na positibo sa paggamit ng shabu.
Ayon kay PNP chief Director General Hermogenes Ebdane na nakatakda sanang iprisinta ang naturang shabu noong Hunyo 6 sa isang paglilitis laban sa akusadong si Josefino Fernandez sa sala ng Manila Regional Trial Court.
Hindi umano dinala ni Torregoza ang naturang ebidensiya sa korte matapos na kuhain sa stock room ng crime laboratory.
Nabatid na nadiskubre lamang ang pagnanakaw ni Torregoza nang magsagawa ng Comprehensive Drug Inventory ang Crime Lab kung saan lumitaw na nawawala nga ang naturang ebidensiya. (Ulat ni Danilo Garcia)