Lalaki pinaglaban ang perang pambili ng gamot, tinigok ng holdaper

Isang 19 anyos na factory worker ang nasawi matapos lumaban sa mga holdaper na tangkang kumuha sa pera na pambili ng gamot ng kanyang may sakit na ina kamakalawa ng gabi sa Navotas.

Namatay noon din si Henry Sarino,binata,ng Sitio Sto.Niño,North Bay Boulevard South, ng nasabing bayan sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Isa sa mga holdaper na nakilalang si Jojo Pamplina ay agad na naaresto ng awotoridad sa isinagawang follow-up operation habang pinaghahanap ang mga kasamahan nitong sina Salvador Arana at Bartolome Absanar.

Ayon sa pulisya,dakong alas-9 ng gabi ay kagagaling lang ng biktima sa pinapasukang pabrika matapos makautang ng pera na ibibili nito ng gamot para sa inang may sakit.

Habang ito ay naglalakad sa R-10 hinarang ito ng mga suspek at pilit na kinukuha ang pera nitong nautang subalit nanlaban ito kaya't ito ay binaril ng isa sa mga suspek.(Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments