Dumulog kahapon sa Mandaluyong City Police upang magharap ng reklamo ang mag-amang sina Romeo Celestial, 46, at anak na si Ronnie, grade 2 pupil sa Ilaya Elementary School sa Brgy. Barangka Itaas ng nabanggit na lungsod laban sa gurong si Gng. Epilinda Aranza, adviser ni Ronnie.
Nabatid na si Ronnie ay nagtamo ng may isa at kalahating pulgadang tahi makaraang pumutok ang ulo ng umanoy hatawin ng bote ng mineral water ng kanyang gurong si Aranza.
Base sa sumbong, naganap ang insidente noong Lunes ng hapon ng sunduin ni Romeo sa paaralan ang anak at laking gulat nito ng makitang duguan ang suot nitong uniporme at ng kanyang tanungin ang adviser ay sinabing dahil sa kalikutan nito. Gayunman nang komprontahin niya ang kanyang anak ay isinumbong nito na pinalo siya ng bote ng mineral water sa ulo ng guro.
Sinabi ng guro na hindi niya napigilan dahil sa sobrang kalikutan ng bata, gayunman sinabi nito na dati ng may sugat sa ulo ang bata at dumugo lamang ng kanyang mapalo. (Ulat ni Joy Cantos)