Dahil sa tindi ng pagkabali ng buto ng biktima na itinago sa pangalang Joey, grade 2 pupil sa nabanggit na paaralan ay kaagad na inoperahan sa Phil. Orthopedic Center upang lagyan ng bakal ang mga na-dislocate na buto nito.
Batay sa naging pahayag ni Mary Jane Garduque, ina ng biktima na dakong alas- 7:30 ng umaga ng ihatid sa kanilang bahay ang kanyang anak na si Joey ni Miss Rosario Mascarinas, health officer sa nasabing paaralan at sinabing nadapa umano ang kanyang anak matapos matapakan ang strap ng kanyang school bag.
Napilitan umano siyang dalhin sa ospital ang kanyang anak dahil sa hindi magalaw ng bata ang kanang braso at namamaga ito, sa pagamutan na niya nalaman na malala ang bagsak dahil sa may nabali itong buto na kailangang pagdugtungin.
Nang tanungin ni Mary Jane ang kanyang anak ay sinabi nito na itinulak umano siya ng gurong si Miss Melina Rejuso kaya siya natumba.
Malinaw pang isinalaysay ng bata na absent umano ang kanilang adviser kaya hinati ang kanilang section at isinama sa ibang section para hindi maantala ang kanilang pag-aaral.
Binanggit pa ni Joey na bago siya pumasok sa kabilang kuwarto ay sinilip niya ang ilan niyang mga kaklase na napunta sa section ni Miss Rejuso. Habang nakatayo siya sa harap ng room ng naturang guro ay nilapitan siya nito at saka itinulak kaya siya natumba. (Ulat ni Grace dela Cruz)